#BuwanNgWikaAtMgaDakila Agosto na naman. Hayaang makapagsulat ako sa wikang pambansa. Hintayin rin ang salin ko ng Random Thoughts . Kailangan ng kaunting riserts ng salin nito.
1. Unang linggo ng Agosto. Dalawang dakilang Pilipino agad ang ginugunita natin sa mga araw na ito. Parehong namatay sa buwang ito bagamat magkaibang taon sina Raul Roco at Cory Aquino. Natatandaan kong nag-eeksam sa UP ang aking panaganay na anak at habang hinihintay ko siya ay dumalaw muna ako sa burol ni Raul Roco sa Sta. Maria Dela Strada sa Katipunan. Agosto a-5 namatay si Raul Roco. Dalawang beses ko siyang ibinoto sa pagkapangulo, 1998 at 2004. Sayang nga lamang at iginupo siya ng sakit. Mahusay rin siyang kalihim ng Dep-Ed noon, bukod pa sa magaling na senador. Apat na taon ang nakalipas, nag-eeksam naman sa UP ang aking pangalawang anak. Agosto a-uno. Sabado. Natanggap ko sa text ang malungkot na balita ng pagpanaw ni Cory Aquino. Makasaysayan ang buwan ng Agosto sa ating mga Pilipino. Sa buwang ito ginugunita rin ang kaarawan ni Manuel L. Quezon, ang ama ng wikang pambansa. Sa buwan ding ito ginugunita ang kamatayan ni Ninoy Aquino. Agosto 21, 1983 nang siya's pinaslang sa tarmac ng noo'y Manila International Airport. Sa buwan rin ng Agosto sumiklab ang rebolusyon laban sa Espanya noong 1896.
2. Buwan ng wika. Kung kinakailangang magtalaga ng linggo at ngayon nga'y buwan ng wika para bigyang pansin at pagpapahalaga ang wikang pambansa, nangangahulugan lang na di pa talaga ito ganoon kahalaga sa atin bagkus, isa lang itong bagay na sinusubukan nating alalahaning pahalagahan taun-taon. kasi naman lito pa tayo sa kung ano ang pambansang wika.
3. Nakaiinis isiping ang wika na tinuturing ng marami na pambansa ay naipagkakamali bilang Tagalog gayung magkaiba ang dalawang ito. Filipino ang pambansang wika na kinasasangkutan rin ng Tagalog na isa sa napakarami nating wika. Ayon sa sil.org, mayroon tayong higit sa 170 wika sa bansa. Sampu sa mga ito ay mga pangunahing wika. Kabilang sa mga pangunahing wika ang Tagalog gayundin ang mga banyagang wikang Tsino at Ingles na ginagamit ng higit sa isang milyong Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit di mali ang gumamit ng mga katagang Ingles o Tsino halo sa Tagalog at iba pang wika. Ang magkahalong gamit na ito na pang-araw-araw nating naririnig sa isa't-isa ang wika nating mga Pilipino. Halimbawa ng isang Filipinong pangungusap ang " Magkita tayo sa mall" o "Manonood ka ba ng premiere?"
4. Wikang pambansa ang gamit ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang SONA noong Lunes. Ngunit di pa rin siya naintindihan ng mga taong naging bisyo na yata ang tuligsain siya. Kasi naman, isang kahinaan nating mga Pinoy ang pakikinig. Marami sa atin ang imbes na matamang makinig ay may dala nang listahan ng gustong marinig. Kapag hindi narinig ang gustong marinig, sasabihing walang kwenta ang talumpati. Mahirap umunawa ang may sariling adyenda o sarado ang isip.
5. Ipinagkakapuri kong gagap ko pareho ang Filipino at Ingles. Masasabi ko ring bihasa ako sa Tagalog. Utang ko ito sa pagbabasa ko ng komiks na Tagalog noong bata ako, panonood ng mga palabas sa wikang Filipino sa aking paglaki, pagbabasa ko sa wikang Ingles habang nag-aaral. Ang wika ay nahahasa kasabay ng mga gusto o kinamihasnan na natin sa buhay . Kung anong gamit o exposure kaya, yung ang mahahasa.
6. Di ako sang-ayon sa "lip service" o pakitang taong paggamit ng wika sa mga program sa radyo at TV kapag Buwan ng Wika. Gayundin ang kalakaran sa mga programa sa paaralan. Pagsusuotin pa ng mga damit Filipiniana ang mga kasapi. Tulad ng wika, ang ating mga angking tela at kasuotan ay inaalayan lang ng panandaliang pagpapahalaga sa mga mangilan-ngilang okasyon o pagkilala.
7. Di nakapagtataka na di tayo magkaunawaan bilang isang bansa. Maging mga eksperto sa batas ay di maipaliwanag ang batas sa sariling wika gayong ang nakararami ay di rin naman matalinong nakapa-iisip o nakauunawa sa Ingles na paboritong wika ng mga nakaaangat na propesyonal. Marami pang isyu sa wika ang di natin napagtutuunan ng pansin. Marami pang maaring sabihin o pagdiskusyunan ukol dito. Sana ang pagpapahalaga sa wika ay maganap di lamang sa buwan ng Agosto. Maraming pangkaraniwang mamamayan ang bihasa na rito. di naman ito kailangang ituro pa sa kolehiyo. Bagkus paigtingin lang ang gamit nito sa iba't-ibang larangan ng pag-aaral. Intelektuwalisayon. Yan ang kailangan ng wikang Filipino.
No comments:
Post a Comment