Wednesday, June 25, 2014

Kalungkot Naman

Kalungkot naman na sobra na tayong dala sa ating mga lider kung kaya't kahit may matinong layunin ang anumang bagong panukala ay pinagsususpetsahan natin. Tulad na lamang ng mga bagong paraan ng MMDA, LTO at LTFRB na sugpuin ang mga paglabag sa batas-trapiko at prankisa ng mga PUVs. Asahan mo ang marahil 9 sa 10 drayber ang nag-iisip na panibagong pagkukwartahan na naman ng mga ahensiya ang mga bagong panukala. Bulag na rin ang mga drayber at opereytor sa kanilang mga pagkukulang at pagbali sa batas. Di mo alam sino ang sisisihin sa ganitong kaliwaang kawalan ng pagtitiwala sa isa't isa.

Ningas-kugon din naman kasi ang pagpapatupad ng batas. Dahil na rin sa hirap ng trabaho at liit ng sueldo, rumaraket ang ilang tagapagpatupad ng batas sa pamamagitan ng areglo at kotong sa mga drayber at opereytor na dahil naman sa init ng panahon at ayaw maabala sa biyahe ay maglalagay na lang o makikipag-areglo. Di naisip ng magkabilang panig na mali sila pareho, mali sa di pagsunod sa batas at mali sa pag-iisip lamang ng kung ano ang mas kumbinyente para sa sarili.

Ang pagsunod sa batas ay may kaakibat na lalim ng pagpapahalaga sa kapwa at sa komunidad. alam ng mga drayber at opereytor ang madalas nilang paglabag. Mula sa simpleng pagtatapon ng kalat sa daan hanggang sa pagteterminal sa di dapat; mula sa pagdudumi ng hangin hanggang sa maling pagsingil; mula sa pagbiyahe ng walang prankisa hanggang sa pagmamaneho nang mabilis na para bang di tao ang sakay nila. Kung malalim ang pagpapahalaga nila sa kapwa, di nila gagawin ang mga ito. Sa mauunlad na bansa, nangunguna ang kaligtasan ng sarili at ng kapwa sa isip ng mga tao sa lahat ng gawain nila. Kung kaya naman simple lang kundi man awtomatiko sa kanila ang pagsunod sa alituntunin.

Sa ating mga lansangan, laganap ang tiwaling ugali na nagbubunsod para di tayo maging kampante sa isa't-isa. Ang traffic enforcer naghahanap ng mali sa drayber, ang drayber walang pakundangan sa pasahero, ang pasahero di makasimpatiya sa drayber. Dagdag mo pa ang laganap na kapaguran ng pag-iisip sa kung may pag-asa pa bang umayos ang mga sistema sa daan ng lalong sumisikip na Kamaynilaan.

Ramdam ko ang lungkot ng pagbibyahe sa araw-araw sakay ng jeepney na tinaguriang King of the Road. Kamakailan lang nasakay rin ako ng UV Express mula Makati at may isyu rin sila laban sa LTFRB. Mga kayod-kabayong drayber, mga pasaherong pagod sa araw-araw na biyahe at trabaho, mga kawani ng ahensyang gobyerno na may di mapagkakatiwalaang nakalipas. Paano mabubuo ang tiwala, pagkakaisa at pagpapahalaga sa kapakanan ng kapwa? Kalungkot naman.

No comments:

Post a Comment